top of page

ABOUT ME

Ang inyong lingkod, Lazaro P. Torres, Jr.

84623315_643430846401764_774627045519497

kilala ng malalapit na kaibigan bilang Kuya Bogie dahil sa palabas noon sa telebisyon na Batibot.Kalaunan sa aking buhay ay pumukaw sa akin ang paniniwalang, “there’s something in a name.” May ibig sabihin daw ang ating pangalan na dapat nating maunawaan.

 

                Sa Numerology Delineation ng pangalan ko na ginawa ng Carol Adrienne and Stouse Technology (1991) ay lumitaw na ang ibig sabihin ng LAZARO ay leader, ang PEROCHO na middle initial ko ay problem solver, at ang TORRES JR. ay teacher. Sang-ayon pa sa pagtataya sa aking numerology, ang day of birth kong 10 (or 1) ay leader at ang destiny kong 5 o tadhanang mangyari sa akin bilang layunin sa buhay ay teacher.     

​

Nagtapos ako ng pag-aaral ng elementarya sa Dr. Sixto Antonio Elementary School sa Bambang, Pasig City at nagpatuloy ng sekundarya sa Rizal High School, sa Caniogan Pasig. Samantala, sa kolehiyo ay AB Economics at 18 units sa Education for professional teaching sa Arellano University, Manila bilang cum laude. 

 

Noong tsikiting pa ako at nalilingat sa pakikinig, sasabihin ng titser ko, “Makinig ka, Lazaro!” Dala nito, naging ‘good listener’ ako. Kaya ‘all ears’ din talaga kapag nagtuturo si titser kahit hindi mabagsik. Natuto din tuloy ako kahit hindi masipag mag-aral at hindi pa ganap na nauunawaan ang halaga ng edukasyon sa buhay.

 

Samantala, noong nasa kolehiyo naman ako, kapag walang sumasagot sa klase, sasabihin ng propesor ko, “Bumangon ka, Lazaro!” Hindi ako babangon. Tatayo at sasagot ako dahil hindi ako natutulog sa klase kahit anong puyat ko sa pag-aaral! Siguro, dahil talagang magagaling at kakaibang magturo ang mga naging propesor ko sa kolehiyo at may halong biro pa sila na mag-iisip ka, kaya naging bibo ako sa klase.

​

Tadhana nga yata ng pangyayari, nang mapatay si dating Senador Benigno Aquino (August 21, 1981) at nagkahirapan sa paghahanap ng trabaho noong grumadweyt ako ay naging guro ako. Suwerte naman na hindi lang sa isang paaralan, nagkaroon din ako ng part-time teaching sa gabi. Bukod pa rito ay may honorarium pa kami sa dami ng estudyante sa aming paaralan. Pero ang pinakamahalaga ay marami akong natutunan sa mga pagtuturo ko. Kaya sa hindi pagyayabang, hindi ako nahihirapan sa iksam dahil sa dami na nang aking naituro at napag-aralan.

 

Lumipas ang mga taon, sa pagsisikap ko sa pag-aaral at pagtuturo ay naging master teacher ako hanggang sa maging department head of Social Studies at Assistant-to-the-Principal ng Rizal High School makaraang pumasa sa iksam para sa principal na ibinigay ng National Education Academy of the Philippines.

​

Sa gitna ng career ko sa pagtuturo, parang tila biglang nagkaroon ng intermission sa buhay ko. Hindi ko natapos ang pag-aaral ko ng Master of Arts in Teaching Social Studies sa University of the Philippines dahil naisipan kong mag-aral ng pagsusulat ng iskript na siyang unang hilig ko dahil sa labis na paghanaga ko sa mga nababasa ko at napapanood na mga kuwento. Naging writer tuloy ako ng mga pagtatanghal sa iskuwelahan at sa aming lungsod.

 

Mula sa mga dulang kuwento ng buhay ni Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio at ng Pasig Liberation Day ng Nagsabado sa Pasig. Bukod pa rito, ang pagiging trainor sa iba’t ibang Quiz Bee. Pati na performing Arts nilahukan ko na. Sa kabutihang palad ay naging matagumpay naman at nakamit ko ang pagkilala mula sa aming paaralan, sa Division of City Schools ng Pasig hanggang sa Knights of Rizal, Dangal ng Bayan ng Pasig at Rotary Club. Tanging hindi ko napagtagumpayan ang Outstanding Secondary School Teacher ng Metrobank, ngunit suwerte ng pagsisikap ko na kaalinsabay ng kabiguan na iyon ang pagwawagi ko ng 1st Prize sa Palanca Awards for Literary Competitions.  

bottom of page