Anong chaos,
ang nangyayaring kaguluhan na ito?
Biglang may nag-uwian sa probinsiya. Hindi malaman kung paano kaagad nilang nalaman na ‘lockdown’ ang buong bansa. Ang lakas ng kanilang radar. Expected na nila ang grand vacation. Saksi ang North and South Expressways sa mga humuhugos na tao sa pag-uuwian. Una-unahan. Umabot pa sa puntong may awayan dahil sa pagsisingitan. Walang sinuman ang gustong maiwan!
Bliztkrieg ang nangyari …
isang iglap na mabilis ang pangyayari na parang may kaaway na biglang umatake.
Namputsa! Pila-balde din sa bangko at ATM para makapag-withdraw ng kaperahan. Tila ‘bank-run’ ang nangyari. Hindi ang bangko ang tumatakbo kundi ang mga tao ang tumatakbo para makapag-withdraw. Hindi nila naisip ang masamang idudulot ng ‘massive withdrawals’ kumpara sa dapat mas marami ang nagdedeposito. Siste nito, malulugi ang mga bangko natin! Sinong negosyante makauutang sa kanila para sa puhunan sa negosyo kung walang pera?
Kagulo rin sa mga supermarket, groceries at palengke at ibang pamilihan. ‘Kala mo ay magkakaubusan ng pagkain at ibang pangangailangan. Biglang dagsa ang mamimili ng sabon, alcohol, pati na mga gamut na kailangang-kailangan. Saka biglang nagkaubusan. Huh! May ‘hoarding’ pala! Itinago ang mga produktong ‘in demand.’ Kaya pala! Para mapataas ang presyo at kumita ng malaki ang mga tusong negosyante. Ikakatwiran pa dahil sa “demand and supply.” Na kapag malakas ang demand at kokonti ang supply ay talagang tataas ang presyo sa pamilihan. Ang suwitik ng ibang karamihan. Binebenta naman pala nila ‘online’ ang kanilang binili. Hindi na naawa sa kanilang kababayang walang maaasahan sa buhay.
No Work No Pay! Ano ang aasahan ng mga nawalan ng kabuhayan? Social Amelioration Program (SAP) naman ang pinagkaguluhan. “Ayuda Pa More!!” ang sigaw ng karamihang nahihikahos sa buhay. As in grabe! Mayroon pang umaatikabong awayan. ‘Ika nila ‘yung dapat bigyan, hindi nabigyan. Kani-kaniyang palakasan kay Mayor at kapitan ng barangay. Mayroon pa raw nangyaring umitan ng mga nasa kapangyarihan! Ang iba naman kasi, mayroon naman, nakikigulo pa sa ayudahan. Hindi na lamang ipaubaya sa mga walang kabuhayan. Para tayong nasa giyera na kani-kaniyang kamkam ng kayamanan!
Aakalain mo talagang ang lahat ay pobreng alindahaw. Pero huwag ka, mayroong mga nakapagpatayo ng grocery at tindahan sa loob ng kanilang bahay. Tingnan ninyo sa mga facebook, kani-kaniya silang paramihan. May I Thank You pa sila kay Mayor at Congressman. Piyesta sila kahit sa loob lamang ng tahanan dahil for the first time ay nagkasama-sama ang buong angkan. Kaya naman Tik-tok ang pinagkaabalahan para sa masigabong kasayahan nang hindi inaasahang kabuhayan!
Ang sabi ‘unseen enemy.
Corona Virus -19 pala ang dahilan!
Gaano kaya natin ito naunawaan sa punto ng kalusugan at kaligtasan para naman isakripisyo sa ngalan ng kabuhayan? Naisip ko tuloy parang wala na tayo sa paaralan ng buhay. Ang gulong karamihan ay wala naman talagang kapararakan. Kailan kaya tayo matatahimik sa ganitong kalagayan? Nakalulungkot isipin, marami sa atin ang hindi naging handa sa alinmang mangyayari sa buhay. Hindi naman masasabing kulang sa pinag-aralan kundi hindi nagamit ang pinag-aralan sa tamang paraan. Kawawa ang ating pamahalaang! Lahat na lamang ay iniasa ng kaniyang mga mamamayan. Bago kapag binuwisan ay panay ang reklamuhan. Nakalimutan na ang ayudang sa kanila ibinigay ay galing sa trilyon na utang. Sabihin pa ng iba, “Ayoko na sa earth!” Over sa acting, hindi ba? Sino ba pumili ng ganitong pangyayari sa ating buhay?
ENGAGE IN LEARNING. READ, LIKE, SUBSCRIBE and SHARE.
Comments