top of page

KOMUNIDAD NG PAGKATUTO

Updated: Sep 30, 2020

Every school is a learning community. Ibig sabihin ang paaralan ay isang komunidad ng pagkatuto.

 

Ang mahalagang bahaging ginagampanan ng paaralan sa komunidad ng pagkatuto ay naglalahok sa mga pamilya at ibang kasapi ng komunidad magkaroon ng partnership para sa pagpapaunlad ng paaralan at lalong pagkatuto ng mga mag-aaral. Ayon sa pananaliksik na isinagawa ng National Network of Partnership Schools at ng John Hopkins University, ang anim na bagay na nararapat pagtutuunan ng pansin ng pagtutulung-tulong ng komunidad sa ikabubuti ng pag-aaral ng mga bata ay ang pagiging responsableng magulang, pakikipag-ugnayan sa paaralan, pagboboluntaryo sa mga gawaing pampaaralan, pagsubaybay sa pag-aaral ng mga bata sa loob ng kanilang tahanan, pagsasagawa ng tamang desisyon at pakikipagtulungan sa komunidad na kinabibilangan.

Kaugnay nito, makikita natin na ang aktibong pakikilahok ng mga magulang sa Samahan ng Mga Guro at Magulang sa Paaralan ay nakatutulong ng malaki sa pag-unlad ng pag-aaral ng mga bata mula sa pagkatuto sa pagbabasa, pagsusulat at aralin sa matematika. Pagkaraan nito, ang maayos na pagpapaplano sa patuloy na pag-aaral nila sa kolehiyo. Dahil dito, maagang natututunan na rin ng mga mag-aaral ang aktibong pakikilahok sa mga gawain ng komunidad at paaralan. Maaasahan sa ganitong paraan ang maagang pagiging responsable nila sa buhay na siyang pinakamahalagang matututunan nila sa paaralan. Ngunit, ang lahat ng ito ay nagsisimula sa tahanan kung paano gagabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pag-aaral.

Sa ulat ng NPTA ni Sir Willy Rodriguez, ang NCCT – National Council for Children’s Television sa pakikipag-ugnayan ng PTA Partners ay nag-aanyaya sa lahat at pati na sa ibang samahan na makiisa sa ‘pilot testing’ ng Monitoring Scoreboard. Susubaybayan nito ang mga TV show broadcast kung nakasusunod sa Child-Friendly Content Standards (CFCS) gamit ang scorecard via Google Form (one Google Form for each show). Kailangang makilahok ang mga magulang para sa ligtas na pag-aaral ng ating mga estudyante at masiguro ang dekalidad.

 

Sa dating kolum ni Senador TG Guingona sa Bulgar ay binanggit niya ang alay-panulat ng kaniyang ama hinggil kay dating Mayor Mel Lopez (SLN) ng Maynila. Aniya, “Isipin nating mabuti ang banal na tungkulin natin sa buhay nang ayon sa kalooban ng Diyos.” Mangyari, ito ang buod ng Edukasyon sa Pagpapakatao na itinataguyod ng Tanggapan ng Edukasyon para sa kaliwanagan ng isipan at gawaing gagampanan ng mga magulang sa kanilang mga anak.

Ang winika ni dating Mayor Mel Lopez (R.I.P.) na, “Ang layunin ng pamilya ay bigyang-halaga ang bata. Ang layunin ng paaralan ay kumpletuhin ang prosesong ito. Ang tunay na edukasyon ay ‘di lamang nagsasanay ng bata para maging inhinyero, doktor o dalubhasa kundi hinuhubog ang pagkatao, pinagyayaman ang kanilang isipan at katawan, inihahanda ang kakayahan nila at pinatitibay ang diwa para kapag nakatapos na sila ng pag-aaral, tao silang haharap sa hamon ng buhay.” Kung bakit nasabi ito ni dating Mayor Lopez, ay sapagkat may natutunan siya hindi lamang sa pag-aaral ng kaalaman sa paaralan, bagkus higit pa sa ginawa niyang pag-aaral sa buhay.

 

Bilang magulang, guro at mga tagapagtaguyod ng edukasyon ng ating mga kabataan, markahan sa ating puso at isipan ang ginagampanang tungkulin sa ikaaayos ng buhay nila para sa kinabukasan. Sa halip na tanggapin ang kasalukuyang mabigat na kalagayan ng ating edukasyon na sinusuong ng “bagong normal,” tayong mga nasa komunidad ng pagkatuto mula sa tahanan, paaralan at lokal na pamahalaan, ay dapat na magkaisa na magkakaroon ng pagbabago na magbibigay pag-asa sa lahat sa gitna ng suliranin ng pandemya.

Kuwentong karanasan: Noong minsan natapos ang seremonya ng graduation sa isang paaralan, ay may isang nanay ang humingi ng tulong sa principal dahil hindi niya nakita ang kanyang anak nung araw na iyon para grumadweyt. Ang problema ay hindi alam ni nanay kung anong seksyon ang anak niya kaya hinanap pa sa listahan, ngunit hindi rin nakita. Ang katwiran ng nanay ay humingi pa ng pera para sa graduation ang kanyang anak bilang pambayad at kumuha ng togang isusuot kasama ang kaibigan nito. Hindi niya alam na walang bayad ang graduation sa public school. Bandang huli, sa tulong ng ibang guro sa paghahalungkat ng ‘records’ ng bata ay nalaman na hindi pa talaga ito magtatapos ng pag-aaral sa ikaapat na taon dahil nasa listahan ito ng unang taon sa pag-aaral at hindi pa rin pasado. Imadyin sa loob ng apat na taon ay hindi alam ng nanay ang status ng pag-aaral ng kanyang anak.

Upang maiwasan ang nabanggit na pangyayari, tsekan palagi ang nowtbuk ng anak kung may nakasulat. Kung walang nakasulat, tiyak may problema sa pag-aaral ang bata. Kakausapin lagi ang bata sa mga nangyayari sa kanyang pag-aaral. Maaaring magpakuwento dahil dito lalabas ang tunay nakalagayan. Alamin agad ang dahilan ng problema at makipag-ugnayan sa mga guro niya sa paaralan. Humingi ng payo sa guidance counsellor ng paaralan upang may matutunan sa tamang pagsubaybay lalo na ngayong panahong ito ay puwedeng ‘online study’ o face-to-face consulatation. Mayroon inilaang tseklist ng pagsubaybay sa bata na kailangang sagutan ng magulang o tagapangalaga at ipadala sa paaralan sa takdang araw. Bahagi ng programa ngayon ng Learning Continuity Plan ang pagkakaroon ng ‘virtual meeting’ at ‘face-to-face’ meeting ng magulang at guro sa tulong ng pagsasanay na ginawa para sa kanilang ugnayan. Importante ito para sa ‘pscycho social’ na pagsubaybay sa mga bata. Baka sila ay mayroon nang ‘cabin fever’ o nabuburyong na sa tagal ng quarantine o maraming problema sa bahay.

 

Nararapat na buo ang koneksyon ng bawat isa sa pamilya at komunidad para sa pagtutulungan at consistent sila sa pagpapatupad ng nararapat na disiplina para sa mga bata lalo na ang ama at ina nito sa pakikipag-ugnayan sa komunidad nag pag-aral, sapagkat sa kasalukuyan nating kalagayan ngayon ay higit na umaasa ang ating mga kabataan na magiging maayos ang kanilang kapaligiran sa pagkatuto. Hinihingi ngayon ng pagkakataong na ligtas sila sa karamdaman, ngunit patuloy na nakapag-aaral at magbibigay sa kanila ng ultimong tagumpay. Hindi tayo matututo sa buhay kundi tayo makikilahok sa komunidad ng pagkatuto.

Mapapabilang lamang tayo sa puna nang puna, ngunit hindi nauunawaan ang pinupuna.


 

ENGAGE IN LEARNING. READ, LIKE, SUBSCRIBE and SHARE

Ang layunin ng edukasyon ay para sa buhay.

Marapat na matutunan ng mga mag-aaral kung paano maaayos na mamumuhay.


Comments


bottom of page