top of page

EDUCATION CONCERN

Updated: Oct 14, 2020

Life is decision-making and problem-solving.

Ang tagumpay sa buhay ay nasa pagiging mapamaraan.

 

Noong ika 17 ng Hulyo ng kasalukuyang taon ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas ang RA No. 11480. Ang nasabing Republic Act (RA) ay nagbibigay kapangyarihan sa pangulo na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sakaling magkaroon ng “state of emergency” or “state of calamity” gaya ng nararanasan nating pandemic. Bunga nito, sa halip na noong Augut 24, 2020 nagbukas ang klase sa mga pampublikong paaralan, inilipat ito sa darating na October 5, 2020. Ang tanong nang marami, tuloy ba?

Bigla naging viral (hindi virus ha?) ang suggestion ng ibang grupo na magkaroon ng ‘academic freeze.’ Ibig sabihin nila ay ipagpapaliban muna ng isang tao ang pag-aaral ng mga estudyante hangga’t wala pang bakuna para sa kaligtasan ng mga estudyante, guro at magulang sa COVID -19 na patuloy na tumataas ang bilang ng kaso. Bale, sa ganitong suhestiyon ay matitigil ng isang taon sa pag-aaral ang mga bata sa publikong paaralan. Ang mga nasa private schools ay nakapagsimula na ng kanilang klase sa kabila nang malaking pagbaba sa kanilang enrollment. Papayag ka bang matigil ng isang taon sa pag-aaral nang disgusto (hindi ginusto) mo?

Ang ulat ni Education Undersecretary for Legislative Affairs, External Partnership and Project Management Service Tonisito Umali, mayroon nang mahigit sa 24 milyong estudyante ang nakapag-enroll para sa pasukan sa Oktubre 5 para ipagpaliban pa. Ang katwiran niya ay walang gagawin ang mga bata kung mahihinto sa pag-aaral. Sayang nga naman ang panahon at oras sa ginawang paghahanda para mabalewala.

 

Ang KASAYSAYAN ay pag-aaral ng mga kuwento ng buhay na may saysay.

Ang nangyari sa Estados Unidos ng Amerika noong magkaroon ng pandemic sa kanilang bansa due to ‘influenza’ o trangkaso noong 1918 hanggang 1919 ay hindi nila isinara ang mga paaralan. Bagkus, isinagawa nila ang “healtch care and inspection” sa mismong paaralan sa pamamagitan ng mga guro kaysa sa ipagkatiwala sa bahay na hindi tiyak ng mga otoridad kung mapapangalagaan ang kaligtasan ng mga batang mag-aaral dahil sa alam nilang maraming iresponsableng magulang noon sa kanila.

Ano ang lessons learned natin from this history?

Ganito rin ba ang pananaw ng marami sa atin sa Pilipinas?

 

Sang-ayon sa COCOPEA managing director Noel Estrada na ang academic freeze ay magreresulta lamang ng kawalang pagkatuto ng mga estudyante. Sa kanyang pagtataya ay halos isang buong taon na ang nawala sa pag-aaral ng mga bata. Noong una ay inalala ang hindi kahandaan sa pamamahala ng ng bagong normal sa edukasyon gamit ang blended learning at home schooling. Ngunit sa pagkakataong ito ay inaalala naman ang mataas na kaso ng COVID -19 cases sa bansa kasama na rin ang epekto ng kawalan ng trabaho ng marami bunga ng pandemya. Ano ng aba talaga ang bagay na dapat pagtutuunan?

Bagama’t malaki ang alinlangan ng marami na magtatagumpay ang online learning sa ating bansa lalo na sa mga kanayunan dahil sa kawalan at kahinaan ng ‘internet connectivity’ maging sa kamaynilaan, kinakailangang madaliin ang ‘internet infrastructure’ para mapalawak ang internet access ng lahat. Sayang ang mga ibinibigay na laptop sa mga teachers at tablet sa mga estudyante kundi agad mapapakinabangan.

Ang academic freeze ay magreresulta rin ng disadvantage sa mga estudyanteng mahihirap kumpara sa mga estudyanteng may kaya sa buhay. Ang problema sa pamilya ng mahihirap ay ang panggastos sa loads bukod pa sa kailangan nilang mag-aral o mag-adjust sa moda ng ‘online learning’ kahit sa mga estudyanteng hindi expose sa ganitong pag-aaral. Kaya nararapat din bigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante at kanilang magulang na masanay sa pagsasagawa nito. Pero, pasasaan ba’t ito rin ay makakasanayan. Kailangan lamang unawain ang bawat kalagayan at masuportahan sila sa bagay na ito.

 

Maganda ang mungkahi ni Senator Nancy Binay na sa loob ng tatlong buwang pagbubukas ng klase sa October 5, gawin nating least priority ang online learning. Magpokus muna tayo sa kombinasyon ng printed materials (modules) at sa pag-develop ng mga programa sa mga telebisyon stations na nagagamit ng pamahalaan habang inaayos pa na magkaroon ng workable scenario ang online learning.

Ang problema sa module ay maraming papel ang kokonsumuhin. Hindi siya ‘eco-friendly’ sang-ayon sa mga environmentalist gaya ng sinabi ni Secretary Briones. Maraming puno ang kakailanganin. Baka nga lalong makalbo ang mga kabundukan natin at magresulta sa pagbaha lalo na’t problema rin natin ang ‘climate change. Pero puwede naman mag-recycle ng mga papel. Ano sa palagay ninyo?

 

Mahalaga ang ‘public opinion’ sa pagdedesisyon para ikabubuti nang nakararami. Pagtuunan din natin ng pansin ng pag-aaral ang isyung ito upang makabahagi tayo sa marapat na desisyon. Ang winika ni Abraham Lincoln hinggil sa bagay na ito “Public sentiment is everything. With it, nothing can fail; against it, nothing can succeed.” Sa public opinion kasi kapag nagkasundo sa magandang adhikain ay makahihikayat ng pagkakaisa. Ang katwiran pa ni Lincold sa bagay na ito, “Whoever molds public sentiment goes deeper than he who enacts statutes, or pronounces judicial decisions.” Ang paggawa kasi ng batas ay nababatay rin sa public opinion kung sasang-ayunan ng mga tao o hindi.

Pilipinas,

handa ka na ba sa bagong normal ng edukasyon?

 

Ang blog na ito ay karagdagang pagtatawid sa edukasyon ng pagkatuto dahil sa hangarin nitong punan ang itawid ang edukasyon ng kaalaman sa edukasyon ng karunungan sa buhay upang mahasa pang mabuti ang ating pag-unawa sa mga suliranin sa buhay at magkaroon tayo ng mahusay na desisyon at kasnaya sa paglutas ng mga suliranin sa buhay, at nang sa ganoon ay maging positibo tayong lahat sa mga pagsubok bilang aralin ng buhay.

ENGAGE IN LEARNING. READ, LIKE, SUBSCRIBE and SHARE.

Ang kahalagahan ng gagawin natin ngayon,

ay handog natin sa magandang kinabukasan.

Comentarios


bottom of page